Matapang na pinuna ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y kabiguang tuparin ang pangako nitong ipakulong ang mga politikong sangkot sa flood control scandal.
“Matatapos na ang Pasko. Sabi ni Pangulong Marcos, walang Merry Christmas sa mga sangkot. Pero tingnan mo ang pinsan mo nakapagbigay pa ng Christmas greetings sa publiko. Sino ba talaga ang pinoprotektahan?” -Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando
Ayon sa kanya, mahigit isang buwan na ang mga pagdinig, naka-ilang pagharap na ang ICI, pero wala pa ring napaparusahan habang ang mga Pilipinong biktima ng baha at kahirapan ay araw-araw na naghihintay ng hustisya.
Mariing kinuwestiyon ni Rep. San Fernando ang Pangulo matapos ang viral na pahayag ni Marcos na “hindi magkakaroon ng Merry Christmas ang mga sangkot sa flood control scandal.” Ngunit taliwas sa pangako, sinabi ng kongresista na lumipas na ang Pasko ni isa sa mga sinasabing mastermind ay wala pa ring nakaharap sa kulungan.
Ayon sa kanya, nakakadismaya na sa kabila ng bigat ng ebidensyang lumulutang, tila puro palabas at pampapogi lang ang mga pagdinig. Hinimok ni San Fernando ang publiko na mapansin ang tunay na nangyayari: habang ang mga komunidad ay paulit-ulit na binabaha, ang mga opisyal na dapat managot ay tila nagpapahinga, nagho-holiday greetings, at namumuhay nang normal.
Malinaw ang paninindigan ni Rep. Eli San Fernando: hindi sapat ang mga pangako, pahayag, at imbestigasyon kung ang mga sangkot sa flood control scandal ay nananatiling malaya at tila protektado. Habang dumadanas ng baha, pagkawala ng kabuhayan, at kahirapan ang ordinaryong Pilipino, ang kawalan ng kongkretong aksyon ng administrasyon ay mas lalo lamang nagpapalalim ng pagdududa.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento