Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa publiko na hindi maaantala o matatigil ang mga flood control projects ng pamahalaan sa kabila ng kontrobersya na bumabalot sa sektor.
“‘Wag po kayong mag-alala. Hindi ibig sabihin matitigil ang mga flood control projects. Meron pa po tayong budget na nasa ₱300 billion para sa flood control, ibig sabihin, hindi pa po ‘yan nauubos.” -Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, may natitira pang humigit-kumulang ₱300 bilyon na nakalaan para sa mga proyekto, kaya magpapatuloy pa rin ang mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa anomalya.
Binigyang-diin ng Pangulo na bagaman may mga tanong at alegasyon na umiikot tungkol sa pondo, responsibilidad ng gobyerno na tiyaking hindi maaapektuhan ang mga komunidad at imprastrakturang nangangailangan ng proteksyon mula sa pagbaha.
Sa kabila ng kontrobersiya at imbestigasyon, malinaw ang mensahe ni Pangulong Marcos na tuloy ang trabaho. Habang hinahanap ang mga may sala at inaayos ang mga problema sa sistema, sinisigurado ng administrasyon na ang pangunahing proyekto kontra baha ay hindi maaantala.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento