Naglabas ng mabigat na tanong at matinding agam-agam si Senator Imee Marcos tungkol sa itinalagang Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, matapos kumpirmahin na hindi ito isang engineer. Para kay Sen. Imee, isang malaking puwang sa kredibilidad ang hindi pagkakaroon ni Dizon ng teknikal na background, lalo na sa ahensiyang pangunahing humahawak sa imprastraktura, materyales, costing, at malalaking proyektong pang-estado.
“Paano mo pamumunuan ang DPWH kung hindi ka naman engineer? Walang kredibilidad ang ganitong klase ng appointment. Ang imprastraktura ng bansa hindi dapat sinusugal sa kakulangan sa expertise.” -Sen. Imee Marcos
Sa kanyang pahayag, hindi nagpaligoy-ligoy si Sen. Marcos. Ayon sa kanya, ang DPWH ay nangangailangan ng lider na may sapat na kaalaman sa engineering, construction management, at technical validation ng mga proyekto.
Para kay Imee, mahalagang may teknikal na pundasyon ang sinumang mamumuno sa DPWH upang hindi nakabase lang sa payo ng ibang tao ang mga kritikal na desisyon. Idiniin pa ng senadora na hindi ito personalan, ito ay usaping kredibilidad at tiwala ng publiko.
Ang DPWH ay isa sa pinakamalaki at pinaka-kritikal na ahensya sa gobyerno. Bilyong piso kada taon ang dumadaan sa kanilang mga proyekto. Kaya para kay Imee, hindi sapat ang pagiging mahusay sa politika. Kailangan ng expertise.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento