Ipinahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang kanyang pagkabahala sa sunog na naganap sa tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City nitong Miyerkules. Sa gitna ng kasalukuyang imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y anomalya sa flood control projects ng ahensya, sinabi ni Remulla na “nakakabahala” na mismong opisina ng isang iniimbestigahang tanggapan ang tamaan ng ganitong insidente.
“This is very disturbing, mukhang may intensyon to get rid of the evidence,” ani Remulla. Gayunpaman, agad niyang binigyang-diin na ang pinakamahalagang bagay ay walang nasawi sa nasabing sunog. “Ang mahalaga ay ligtas ang lahat,” dagdag pa niya, sabay sabing kailangang pagtuunan pa rin ng pansin kung bakit at paano naganap ang insidente.
Ayon sa paunang ulat, ligtas umano ang mga ebidensya at dokumento na may kaugnayan sa imbestigasyon. Napag-alamang agad itong nailikas bago pa lumaki ang apoy, kaya’t walang nasunog ni isang dokumentong kritikal sa ongoing investigation.
Sa kabila nito, nananatili pa ring mataas ang antas ng pagkabahala ni Remulla. Dahil dito, iniutos niya sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung may intensyong sinadya ang nangyaring sunog o kung ito ay isang simpleng aksidente lamang.
Ang sunog sa DPWH ay nagdulot ng pangamba at tanong sa publiko kung ito ba ay simpleng aksidente o sinadyang pagtatangka upang sirain ang mga ebidensya sa likod ng isyung korapsyon sa flood control projects.
Sa kabila ng takot at duda, nananatiling positibo ang mensahe ni Ombudsman Remulla ang buhay ang pinakamahalaga, ngunit ang katotohanan ay dapat ding iligtas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento