Sa pagdinig ng Senate Finance Committee para sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), pinagsabay ni Senator Sherwin Gatchalian ang magaan na biruan at seryosong mensahe para kay DPWH Secretary Vince Dizon.
Biniro niya ang payat nitong itsura “Dati mukha kang 50, ngayon mukha ka nang 80” bilang hudyat ng bigat ng trabaho. Kasunod nito, iginiit niyang ang tunay na sukatan ay hindi ang pagod, kundi ang resulta: malinis na proseso at malinaw na reporma sa loob ng DPWH.
“So I know that you will be able to clean up and reform the DPWH. It’s a big challenge… Dati mukha kang 50 years old, ngayon mukha ka nang 80 years old.” -Senator Sherwin Gatchalian
Pinuri ni Gatchalian ang pagiging visible ni Dizon sa publiko at media senyales aniya na inuuna ang impormasyon sa mga reporma at aksyon laban sa katiwalian.
Gayunman, malinaw ang hinihingi ng komite: konkreto at sumusukat na hakbang para hindi na maulit ang mga iregularidad, lalo na sa mga proyektong flood control. Mula sa pagpaplano hanggang implementasyon, paulit-ulit na tema sa pagdinig ang transparency, pananagutan, at mabilis na pagresolba ng butas sa sistema.
Sa likod ng biro, seryoso ang direksyon: higpitan ang sistema, putulin ang ugat ng katiwalian, at ipakita sa tao ang kongkretong pagbabago. Ang susunod na hakbang ay nasa DPWH, iprisinta ang malinaw na reporma at tiyaking mararamdaman ito sa bawat proyekto, lalo na sa flood control, kung saan bawat piso at bawat araw ay kritikal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento