Matapos ang malungkot na balita tungkol sa pagpanaw ni Emman Atienza, anak ng TV personality na si Kuya Kim Atienza, maraming personalidad ang nagsimulang magbahagi ng kanilang sariling karanasan sa mental health struggles kabilang na rito ang content creator at dating PBB personality na si Marlou Arizala, o mas kilala bilang Xander Ford.
Sa isang emosyonal na pahayag, ibinahagi ni Xander ang kanyang mga pinagdaanan bilang biktima ng pambubully, pambabastos, at matinding depresyon.
Ayon sa kanya, hindi madali ang lumaban sa ganitong uri ng sakit, lalo na kung ang mga tao sa paligid ay ginagawang biro ang nararamdaman ng iba.
“Katulad ni Emman, madami din akong natanggap na pambubully, pambabastos, at pananakot physical at mental pero andito pa rin ako, matatag at palaban. Tandaan, wag n’yong gawing katatawanan ang depression dahil hindi madali ang lumabas sa ganitong sakit,” ani Xander Ford.
Ang kanyang pahayag ay mabilis na nag-viral at umani ng suporta mula sa netizens na naantig sa kanyang katapatan at tapang. Marami ang nagsabing nakakarelate sila sa mga salitang binitiwan ni Xander, lalo na ang mga kabataan na dumaraan din sa ganitong laban.
Dagdag pa niya, hindi kailangang mahiya sa pag-amin ng nararamdaman. Ang paghingi ng tulong, ayon kay Xander, ay hindi kahinaan kundi simula ng paggaling.
Ang mensahe ni Xander ay nagbigay daan upang muling pag-usapan sa social media ang kahalagahan ng mental health awareness at kung bakit dapat itong tratuhin bilang seryosong isyu, hindi biro o paksa ng pangungutya.
Ang naging pagbubukas ni Xander Ford tungkol sa kanyang laban sa anxiety, bullying, at depression ay hindi lamang isang personal na kwento kundi isang panawagan para sa mas maunawain at makataong lipunan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento