Hindi nagpadaig sa panghuhusga si Nathalie Julia Geralde, isang kabataang cultural worker at aktibista, matapos siyang maging sentro ng body-shaming sa social media dahil lamang sa kili-kili niyang may buhok at discoloration habang nagtatalumpati at kumakanta laban sa korapsyon sa isang rally noong Setyembre 21, 2025.
“Sa lipunang kinakahon ang kababaihan sa unrealistic beauty standards, wag na wag mong ibaba ang iyong kamao! Hindi nakakahiya ang katawan na nakikibaka para sa patas at anti-korap na kinabukasan,” ani niya.
“Ang buhok at discoloration sa kili-kili ay katiting lamang kung ikukumpara sa mga suliraning kinakaharap natin bilang bayan.”
Ang nasabing araw ay isang makasaysayang petsa sa Pilipinas dahil ito ang ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, at ginugunita ito ngayong taon sa gitna ng malawakang panawagan para sa hustisya at pananagutan kaugnay ng trillion-peso flood control scandal.
Si Geralde, na miyembro ng progresibong grupong pangkultura na Sining Lila, ay umakyat sa entablado sa Luneta para sa isang performance ng kantang “Gising Na” — isang jingle na nananawagan ng paggising ng sambayanan laban sa katiwalian.
Ang kwento ni Nathalie Julia Geralde ay higit pa sa isyu ng hitsura, ito ay patunay na sa bawat kilos-protesta, may mga taong pipilitin tayong ilihis sa tunay na laban. Ngunit kung mananatili tayong nakatuon sa pinakamahalagang isyu: korapsyon, hustisya, at pagbabago, walang body-shaming o pambabatikos ang makapipigil sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento