Nagulantang si Kate nang matagpuan niyang patay at may bula sa bibig ang lima niyang alagang aso sa labas ng kanilang tindahan sa Agoo, La Union nitong Biyernes. Ayon sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban para sa GMA Regional TV One North Central Luzon, pinaniniwalaang nilason ang mga aso ng isang kapitbahay na naghihinalang sila ang pumatay sa kanyang mga manok-panabong.
Bakas pa sa lugar ng insidente ang isang lalagyan ng pagkain na pinaniniwalaang ginamit upang lasunin ang mga aso.
“Tiyak na nilason ang mga alaga ko kung nagkasala ang aso namin, sana sinabi nila sa amin. Nagpunta sana sila sa barangay.” mariing pahayag ni Kate.
“Hindi ko sila itinuturing na basta hayop lang mga anak ko sila. Kung may kasalanan man, sana pinaabot muna sa amin, hindi agad pinatay.” -Kate
Ayon kay Kate, totoong may ilang manok na namatay, ngunit hindi pa tiyak kung ang kanyang mga aso nga ang may kagagawan dahil bukas ang paligid at maaaring ibang hayop ang pumatay dito Ang naturang kapitbahay ay hindi rin nakapagbigay ng eksaktong bilang ng mga manok na umano’y napatay.
Mariing kinondena ng Animal Kingdom Foundation (AKF) ang ginawang pagpatay sa mga aso at nanindigang bawal ito sa batas at isang malupit na gawain.
“This is very cruel. We condemn this act of cruelty… Bawal ito sa ating batas at siyempre, napaka-immoral naman nito,” ayon kay Heidi Marquez-Caguioa, AKF Program Director.
Ipinahayag din ng AKF na magsasagawa sila ng imbestigasyon upang mapanagot ang mga responsable at hinimok ang mga pet owners na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga alaga upang maiwasan ang ganitong alitan.
Ang sinapit ng mga alaga ni Kate ay isang malungkot na paalala na ang karahasan ay kailanman hindi magiging solusyon sa alitan. Bagama’t mahalaga ang pagprotekta sa sariling ari-arian tulad ng mga manok, mas makatao at makabatas na idaan ito sa tamang proseso gaya ng pag-uulat sa barangay o mga awtoridad.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento