Advertisement

Responsive Advertisement

FRANCIS PANGILINAN, ISINUSULONG ANG PAGLIPAT NG PONDO NG FLOOD CONTROL PATUNGO SA ‘LIBRENG ALMUSAL’ PROGRAM

Linggo, Setyembre 14, 2025

 



Hinimok ni Francis Pangilinan ang pamahalaan na ilaan ang bahagi ng pondo mula sa mga hindi nagagamit o problemadong flood control projects patungo sa itinutulak niyang “Libreng Almusal” program para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.


“Mas may pakinabang ito sa kalusugan, edukasyon, at paglaban sa kahirapan, kumpara sa mga proyektong pang-inprastraktura na mabagal o hindi pa nasisimulan,” giit ni Pangilinan. Ang batang may laman ang tiyan ay batang handang matuto. Kung gusto nating tapyasin ang kahirapan, simulan natin sa almusal.” -Francis Pangilinan


Sa pagdinig ng Senado para sa kanyang isinusulong na Libreng Almusal Act, ipinaliwanag ng senador na mas makabuluhan ang paggamit ng pondo kung ito ay direktang makikinabang ang mga bata, lalo na sa kalusugan at pagkatuto—imbes na manatiling nakatengga o delayed ang mga proyektong pang-imprastraktura.


“Kung may mga flood control projects na hindi pa nasisimulan o problemado, bakit hindi natin ilaan ang bahagi ng pondong iyon para pakainin ang mga bata? Mas makikinabang sila dito,” saad ni Pangilinan.


Layunin ng panukala ni Pangilinan na magbigay ng libreng masustansyang almusal araw-araw sa mga batang mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan.


Bawat almusal ay bibilhin mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda upang sabay na matugunan ang kagutuman at mapalakas ang lokal na agrikultura at pangingisda.


Target niyang 50% ng food budget ay direktang mapunta sa mga lokal na magtutustos ng pagkain, at kahit magsimula sa 20–30% ay malaking hakbang na para mapalakas ang kabuhayan sa mga probinsya..


Ang panukalang “Libreng Almusal” ni Francis Pangilinan ay isang makabagong hakbang upang tugunan ang problema sa malnutrisyon, edukasyon, at kahirapan nang sabay-sabay.


Sa halip na manatiling nakatengga ang mga pondo para sa mga proyektong mabagal ang progreso, mas makikinabang ang bansa kung ito ay ilalaan sa mga batang nangangailangan ng sapat na nutrisyon upang makapag-aral nang maayos.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento