Advertisement

Responsive Advertisement

RESCUED AT LAST: ASO NA SI 'PEANUT' NA MAY CANCER, NABIGYAN NG PANIBAGONG PAG-ASA

Biyernes, Setyembre 19, 2025

 



Isang nakakaantig na kwento ng pagliligtas ang umantig sa puso ng mga netizens matapos mailigtas ang isang asong kalye na pinangalanang “Peanut” mula sa isang food park sa Bocaue, Bulacan.


“Nang makita namin ang mga litrato niya, alam naming kailangan siyang mailigtas. Ngayon, sisimulan na ang bagong yugto ng buhay niya — isang buhay na puno ng pagmamahal at pag-asa.” -Animal Kingdom Foundation


Ayon kay Eula Sarmiento, ang nakakita kay Peanut, palaboy-laboy ito sa mga mesa ng kainan, nanghihingi ng pagkain. May ilang mabubuting tao ang nagbibigay sa kanya ng pagkain, ngunit karamihan ay itinataboy siya dahil sa kanyang itsura puno ng bukol, sugat, at manipis na ang balahibo.


Matapos ang tatlong gabing pagsubok na hulihin siya, sa wakas ay nasagip na rin siya kagabi ng mga rescuer. Sa pagdala sa kanya sa beterinaryo, natuklasang mayroong siyang Transmissible Venereal Tumor (TVT) isang uri ng cancer sa mga aso.


Bagaman malubha ang kondisyon, sinabi ng mga beterinaryo na maaari pa siyang gumaling sa pamamagitan ng chemotherapy. May isa pa silang nasagip na aso na may parehong kondisyon at lubos nang gumaling matapos ang ilang chemo sessions kaya hindi imposible ang paggaling ni Peanut. 


Kasalukuyang nangangalap ng P15,000 ang mga tagapagligtas ni Peanut upang masimulan ang anim na sesyon ng chemotherapy (P2,500 bawat isa) at para sa mga karagdagang pagsusuri, gamot, bakuna, at pagpapakapon.


Maraming netizens ang nagpahayag ng kahandaan na tumulong, at nagkomento na si Peanut ay karapat-dapat mabigyan ng panibagong pagkakataon sa buhay.


Ang kwento ni Peanut ay patunay na may pag-asa hangga’t may mga pusong handang tumulong at magmahal. Bagaman puno ng sugat, sakit, at lungkot ang kanyang nakaraan, ngayon ay nagsisimula na ang panibagong yugto ng kanyang buhay, isang buhay na may dignidad, pag-aaruga, at pagmamahal.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento