Nagbigay ng opinyon ang talent manager at vlogger na si Ogie Diaz ukol sa mainit na usapin tungkol sa posibilidad na tumakbo si komedyante-host Vice Ganda bilang Pangulo sa 2028, matapos siyang i-rekomenda ng kilalang direktor na si Lav Diaz bilang potensyal na kandidato.
Sa kanyang pinakabagong vlog kasama sina Loi Valderama at Ate Mrena, sinabi ni Ogie: “Alam mo sa totoo lang no, sabi nga nila ’di ba ang pagiging Presidente ay destiny, malay mo destiny nga ni Vice. Alam mo sa totoo lang ‘no, why not? Ang mga tao ngayon gusto nila ’yong mga palaban"
Binanggit din ni Ogie ang halimbawa ni Kiko Barzaga, kongresista mula Cavite, na kilala sa mga mainit na palitan ng salita laban sa mga kapwa mambabatas at sa pagpapahayag ng kanyang hangaring mapatalsik si Martin Romualdez bilang Speaker ng House of Representatives. Aniya, ang mga katulad nitong may matapang na personalidad ay madalas na naa-appreciate ng publiko.
Gayunpaman, nilinaw ni Ogie na kung siya ang masusunod, si Vico Sotto ng Pasig ang kanyang susuportahan bilang susunod na Pangulo, ngunit hindi pa ito pasok sa age requirement pagsapit ng 2028 elections.
Ang pahayag ni Ogie Diaz ay nagpapakita ng posibilidad na ang politika ay hindi na lamang para sa mga tradisyonal na pulitiko, kundi maaari ring mapasukan ng mga personalidad mula sa showbiz gaya ni Vice Ganda. Habang marami pa ang hindi kumbinsido, ipinapakita nito na bukas na ang isipan ng publiko sa mga bagong mukha basta’t may tapang, malasakit, at tunay na intensyon para sa bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento