Umantig sa puso ng maraming netizens ang mga larawang ibinahagi ni Ralph kung saan makikitang nagsisiksikan sa loob ng maliit na kulungan ang mga asong kalye, karamihan ay may mga sugat at tila pagod na. Ang mga kuhang larawan ay mula sa isang impounding center sa Dasmariñas, Cavite, at agad na nag-viral dahil sa nakakaawang kalagayan ng mga aso.
Ayon kay Ralph, isa lamang sa mga aso ang kanyang nailigtas dahil mayroon na siyang 21 na naunang na-rescue sa kanyang bahay sa Tagaytay City at kasalukuyang ginagawa pa lamang ang plano niyang dog shelter.
“Nag-rescue ako ng isa out of compassion sa mga aspin ngunit hindi ko magagawa makuha lahat… Hindi pa gawa ang plan kong dog shelter kaya ako na ang magsasalita para sa kanila,” ani Ralph.
Dagdag pa niya, kung hindi ma-re-rescue ang mga aso hanggang Huwebes ay maaring ma-turn over ang mga ito sa City Veterinary Office para isailalim sa euthanasia.
Kwento pa ni Ralph, ayon sa mga kawani ng barangay, karamihan sa mga asong nakukulong doon ay galing umano sa mga subdivision, iniwan o pinabayaan ng kanilang mga dating amo.
“Sa dami ng pabayang may-ari at mga reklamo na nakakarating sa kanila… most of the dogs, sa mga subdivisions galing,” saad ni Ralph.
Ibinahagi rin niya na ang isa sa kanyang nasagip ay puno ng sugat dahil sa siksikan at kakulangan sa espasyo. Sa ngayon, nananawagan si Ralph sa publiko na tumulong mailigtas ang mga aso mula sa tiyak na kamatayan, at kung maaari ay mag-ampon o tumulong magbigay ng suporta sa kanilang pagkain, gamutan, at tirahan.
Ang kwento ni Ralph ay isang paalala na ang pagpapabaya ng ilan ay maaaring humantong sa pagdurusa ng mga inosenteng hayop. Sa kabila ng limitadong kakayahan, naging boses siya ng mga asong walang kayang sumigaw ng kanilang sakit
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento