Isang nakakaantig na kuwento ng kabaitan at malasakit ang ngayon ay nag-viral sa social media si Namtan, isang anim na taong gulang na asong gala, ay hindi na basta-bastang palaboy sa kalsada. Siya ngayon ay opisyal na “patrol unit” ng isang PTT gas station sa Thailand, kumpleto pa sa employee ID na may nakasulat na “Namtan Klong 7.”
Ang lahat ay nagsimula sa isang simpleng kabutihang loob ng mga empleyado sa istasyon. Sa halip na paalisin ang aso, pinayagan nila itong manatili sa lugar at maging tagapagbigay ng saya sa mga customer. Hindi nagtagal, minahal si Namtan ng buong team at mga suki ng gasolinahan, kaya’t binigyan siya ng espesyal na papel — maging opisyal na “patrol dog.”
“Hindi namin inasahan na ang isang simpleng kabutihan ay magiging ganito kalaki ang epekto. Si Namtan ay hindi lang basta aso, isa na siyang miyembro ng aming pamilya. Araw-araw niyang pinapaalala sa amin na kahit ang mga hindi pinapansin ay may kakayahang magbigay ng halaga at saya.” -Manager ng gasolinahan
Upang matiyak ang kanyang kaligtasan habang gumagala sa istasyon, binilhan pa siya ng may-ari ng gasolinahan ng isang matingkad na orange vest upang madali siyang makita ng mga driver at maiwasan ang aksidente.
Hindi lang ‘yan may sarili na rin siyang employee badge, regular na “sweldo” na 300 baht kada linggo (para sa kanyang pagkain), at isang tungkulin na buong puso niyang ginagampanan araw-araw.
Ang kuwento ni Namtan ay hindi lamang tungkol sa isang asong palaboy na nagkaroon ng trabaho. Ito ay patunay na ang kabaitan, gaano man kaliit, ay kayang magdulot ng malaking pagbabago.
Sa isang mundong madalas nakatuon sa sarili, ipinapaalala ni Namtan na ang malasakit ay may kapangyarihang magligtas, magbago, at magbigay ng pag-asa, hindi lamang sa mga tao, kundi pati na rin sa mga hayop.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento