Kinondena ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang privilege speech ni Senador Francis “Chiz” Escudero, kung saan binansagan siyang “mastermind” umano sa kaguluhan at mga maniobrang pampulitika kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects. Ayon kay Romualdez, ang nasabing talumpati ay hindi isang pagsisiwalat ng katotohanan kundi isang hakbang upang maisulong ang personal na ambisyon ni Escudero at mapalakas ang kaniyang posisyon sa pulitika.
“Malinaw naman ang katotohanan: ang talumpati ni Sen. Escudero ay hindi tungkol sa pananagutan, kundi para isulong ang kanyang personal na ambisyon.” - Ferdinand Martin Romualdez
“Hindi ako natatakot sa katotohanan dahil wala akong tinatago. Pero kung ang Senado ay gagamitin bilang entablado ng ambisyon, dapat alam ng taong-bayan ang tunay na motibo. Hindi ito laban ng personalidad, kundi laban ng prinsipyo at hindi ako hihinto sa paglilingkod sa bayan.” dagdag pa nito.
Sa isang matapang na pahayag, iginiit ni Romualdez na ang privilege speech ng senador ay tila isang “DDS script” patutsada niya sa pagiging tila tagapagtanggol ni Vice President Sara Duterte. Ayon sa kanya, hindi ito nakatuon sa tunay na usapin ng pananagutan kundi isang taktika upang pagtakpan ang ibang isyu at makakuha ng simpatya ng publiko.
Dagdag pa niya, hindi dapat ginagamit ang Senado bilang entablado ng mga pansariling agenda lalo na kung ang nakataya ay ang tiwala ng sambayanang Pilipino.
Habang patuloy ang imbestigasyon sa mga maanomalyang proyekto ng flood control, lalong umiinit ang palitan ng maaanghang na pahayag sa pagitan ng mga mambabatas. Para kay Martin Romualdez, malinaw na ang mga tirada laban sa kanya ay hindi tungkol sa katotohanan o hustisya, kundi bahagi ng mas malawak na plano ng ilang politiko na palakasin ang sarili nilang ambisyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento