Matapos ang sunod-sunod na kontrobersiyang yumanig sa gobyerno, ipapatawag na sa Blue Ribbon Committee hearing ng Senado sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co upang humarap at magpaliwanag hinggil sa mga umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, mahalaga ang kanilang presensya upang masagot ang mga isyung bumabalot sa paggamit ng pondo ng bayan at mapanagot ang mga dapat managot.
“Hindi na puwedeng puro sabi-sabi lang. Panahon na para marinig natin mismo sa kanila ang panig nila,” giit ni Lacson.
“Ang tiwala ng taumbayan ay kailangang mabawi. Kung tunay silang walang kasalanan, harapin nila ang Senado at sagutin ang mga akusasyon. Ang pananahimik ay hindi mag-aalis ng pagdududa tanging katotohanan lang ang makakapagpalaya.” dagdag nito.
Ayon sa opisina ng Senado, idadaan kay Speaker Bojie Dy ang opisyal na imbitasyon para kay Martin Romualdez. Layunin nitong tiyakin na maayos at pormal ang proseso ng pagdinig, lalo’t isa pa ring mataas na opisyal ng Kamara si Romualdez.
Ang naturang pagdinig ay inaasahang magsisilbing malaking hakbang para mailantad ang buong detalye ng umano’y iregularidad sa flood control projects, na ayon sa mga whistleblower ay bilyon-bilyong piso ang nawaldas.
Samantala, binalaan naman ni Sen. Lacson si Zaldy Co na maaari itong ma-cite in contempt kung sakaling hindi ito sumipot sa pagdinig.
Si Co, na dating chairman ng House appropriations committee, ay nasangkot sa umano’y pagbulsa ng bilyon-bilyong pondo para sa mga ghost at substandard flood control projects. Matatandaang kamakailan lang ay nagbitiw ito sa puwesto matapos kanselahin ang kanyang travel permit at ipatawag pabalik ng bansa.
“Kung wala silang itinatago, wala silang dapat ikatakot. Ang hindi pagdalo ay maaaring ituring na paghadlang sa imbestigasyon,” babala ni Lacson.
Ang pagdinig na ito ay isa na namang malaking hakbang tungo sa paghahanap ng hustisya at pananagutan sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng pamahalaan. Sa panahong ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno ay unti-unting nauuga dahil sa korapsyon, ang pagsalang nina Martin Romualdez at Zaldy Co sa pagdinig ng Senado ay isang pagkakataon upang maipakita ang katotohanan at mapanagot ang mga tunay na may sala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento