Ngayong tanghali sa Cebuana Lhuillier – Pacita Branch, isang eksenang di malilimutan ang tumambad sa mata ng mga nakapilang customer. Sa gitna ng init at abala, may isang security guard na naka-duty habang karga ang kanyang anak isang payat, tahimik, at matamlay na batang anim na taong gulang.
“Mahirap pero kinakaya. Kasi responsibilidad ko siya, anak ko siya. Wala pong ibang magbabantay sa kanya kundi ako.” -Manong Ricardo
Tinangka kong lapitan si Manong Ricardo “Carding” Villamor, ang 42-anyos na sekyu na may bitbit na batang lalaki. Tinanong ko siya kung may sakit ba ang kanyang anak. Aniya, “Pre-matured po kasing ipinanganak si Andoy, kaya medyo mahina ang katawan. Wala pong ibang mag-aalaga sa kanya kaya dinadala ko na lang sa trabaho.”
Ang anim na taong gulang na si Andoy ay hindi man maliksi gaya ng ibang bata, ramdam mo ang pagiging panatag niya sa piling ng kanyang ama. Habang si Manong Carding ay bantay sa pinto, si Andoy ay tahimik na naka-upo sa gilid, minsan ay kumakapit sa sinturon ng ama o humihilig sa balikat nito.
Hindi biro ang ginagawa ni Manong Carding. Bukod sa tungkulin niyang magbantay at magpanatili ng seguridad sa establisyimento, ay kailangang i-monitor din niya ang kalagayan ng anak. Wala raw silang kamag-anak na maiiwanan ng bata sa tuwing duty siya, lalo na’t nasa malayo ang kanyang asawa na kasalukuyang nagtatrabaho bilang kasambahay sa Cavite.
Sa paningin ng marami, isang simpleng security guard lang si Manong Carding. Pero sa paningin ng anak niya at sa mga nakasaksi sa tagpo, siya ay isang bayani — isang ama na di lang tagapagbantay ng establisyimento, kundi tagapagbantay ng buhay ng kanyang anak.
Sa mundong puno ng panghuhusga at pagmamadali, ang kwento ni Manong Carding ay paalala na ang tunay na pagmamahal ay walang pinipiling oras, lugar, o propesyon. Hindi niya alintana ang pagod o hirap ang mahalaga, kasama niya ang anak at napoprotektahan ito.
Sana’y magsilbing inspirasyon ang kwento ni Manong sa lahat ng magulang, lalo na sa mga ama na ang pagiging responsableng magulang ay hindi natatapos sa pagbibigay ng pera kundi sa pagkalinga, presensya, at pagmamahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento