Matapang na binitiwan ni dating Senate President Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang kanyang suporta sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA)—partikular sa isyu ng budget insertions o hindi awtorisadong pagdagdag ng pondo sa panukalang budget.
“I precisely like the part he talked about the preservation of the National Expenditure Program. That is what we will be doing in the Senate… Humanda 'yung mga mahilig sa insertion,” mariing pahayag ni Sotto.
“Hindi tayo pwedeng magbulag-bulagan sa mga kalokohan sa budget. Kung ayaw nating maulit ang nakaraan, kailangang harapin natin ito nang buong tapang. Humanda ang mahilig sa insertion panahon na ng pagbabago.”
Ayon kay Sotto, natuwa siya sa naging pagtutok ni Marcos sa General Appropriations Bill (GAB), kung saan malinaw na sinabi ng pangulo na ibabalik ang anumang panukalang badyet na hindi tumutugma sa orihinal na National Expenditure Program (NEP) para sa 2026 national budget.
Ang insertion ay tumutukoy sa pagsingit ng mga probisyon o pondo sa badyet na hindi bahagi ng orihinal na plano ng executive branch. Kadalasan, ito ay isinasagawa sa huling bahagi ng budget deliberations at kadalasang iniuugnay sa “pork barrel” o personal na proyekto ng ilang mambabatas.
Nitong mga nakaraang linggo, umiinit ang usapan tungkol sa diumano’y ₱142.7 bilyong insertions sa 2025 budget na umano’y isinulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero. Ayon kay Sotto, hindi dapat ito palampasin at kailangang maimbestigahan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa Senado.
“We have to do that, because we cannot tolerate that. Hindi natin puwedeng hayaan maulit ‘eh,” giit pa ng senador.
Sa ilalim ng bagong direksyon at binuhay na interes ni Pangulong Marcos sa budget reform, tiniyak ni Sotto na magiging masusing tagasuri ang Senado sa NEP at GAB. Layunin nito na tiyaking walang korapsyon, walang nakakalusot, at ang bawat pisong pondo ay mapupunta sa tamang proyekto.
Ang pahayag ni Sen. Tito Sotto ay isang matibay na paalala na sa kabila ng mga tradisyunal na gawi sa politika, may mga lider pa ring handang tumayo para sa tama at tapat na serbisyo sa bayan. Sa tulong ng malasakit ni Pangulong Marcos Jr. at ng matibay na paninindigan ng mga tulad ni Sotto, may pag-asa tayong makita ang isang mas malinis, transparent, at makataong paggamit ng pondo ng bayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento