Sa Hong Kong, hindi hadlang ang edad upang makapagtrabaho. Patunay diyan si Mei Ling Wong, 67 taong gulang, isang senior citizen na crew sa isang branch ng Jollibee Hong Kong.
Ayon kay Mei Ling, walang katumbas ang kanyang saya at pasasalamat dahil sa kabila ng kanyang edad, patuloy siyang tinatanggap at binibigyan ng oportunidad na kumayod.
“Habang may lakas pa ako, gusto ko pa ring kumilos. Mas masarap ang pakiramdam na alam mong may naitutulong ka sa pamilya mo kahit matanda ka na.” -Mei Ling Wong
“Ganito sa ibang bansa. Walang diskriminasyon, walang age limit, walang height limit, walang educational background, walang with pleasing personality. Basta willing kang matuto, kaya mo ‘yan,” ani Mei Ling.
Kwento ni Mei Ling, hindi siya mapalagay kapag wala siyang ginagawa. Bukod pa doon, gusto rin niyang makatulong sa kanyang mga apo na nasa Pilipinas.
“Hindi dahil sa pera lang, kundi para manatiling masigla at may silbi. Ayoko ‘yung nasa bahay lang ako, parang mas lalo kang tatanda kung walang ginagawa,” dagdag niya.
Kaya kahit senior citizen na, nakangiti pa rin si Mei Ling habang nag-aasikaso ng orders, nagseserve ng fried chicken, at nagbibigay ng magandang serbisyo sa mga customer.
Ang kwento ni Mei Ling Wong ay patunay na sa ilang bansa gaya ng Hong Kong, hindi pinipigilan ng edad ang sinuman na makapagtrabaho at maging produktibo.
Sa Pilipinas, madalas nating marinig ang “with pleasing personality,” “may height limit,” o “under 35 years old lang.” Pero sa ibang lugar, basta’t may sipag, determinasyon, at magandang hangarin may lugar ka sa trabaho, bata ka man o matanda.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento