Hindi na nanahimik si Senadora Risa Hontiveros matapos siyang madawit sa mga mapanirang paratang sa social media. Nitong linggo, pormal siyang nagsampa ng reklamong cyber libel laban sa isang Senate witness at ilang kilalang vloggers dahil sa umano’y pagpapakalat ng malisyoso at pekeng impormasyon laban sa kanya.
“Ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi lisensya para manira ng tao. Karapatan ko bilang isang Pilipino at babae ang ipagtanggol ang sarili ko laban sa paninirang puri.” -Senadora Risa Hontiveros
Ayon sa reklamo, kabilang sa mga idinemanda si Michael Maurillo, na dating nagtestigo sa Senado tungkol sa mga alegasyon laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy. Sa dalawang viral na video, sinabi ni Maurillo na pinilit daw siya ni Hontiveros na tumestigo kapalit ng suhol at pagbabanta mga paratang na mariing pinabulaanan ng senadora.
Kasama rin sa reklamo ang mga prominenteng personalidad sa social media:
Krizette Chu
Jay Sonza
Sass Sasot
Trixie Cruz Angeles
Banat By
Ayon kay Hontiveros, ang mga vloggers na ito ay tumulong diumano sa pagpapakalat ng dalawang kontrobersyal na video na nagpaparatang sa kanya.
Bilang chair ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality, iginiit ng senadora na layunin ng kasong ito na panagutin ang nasa likod ng paninira at linisin ang kanyang pangalan.
“Ang paninira ay hindi kailanman maituturing na karapatan. Hindi ko hahayaang yurakan ang pangalan ko at ang integridad ng Senado sa pamamagitan ng kasinungalingan,” pahayag ni Hontiveros.
Dagdag pa ng senadora, hindi ito tungkol sa “power trip” kundi tungkol sa katotohanan at hustisya.
Sa gitna ng pagdami ng fake news at maling impormasyon online, ang paghahain ni Senadora Risa Hontiveros ng cyber libel case ay isang matapang na hakbang upang manindigan sa katotohanan. Hindi ito basta personal na laban ito ay laban para sa integridad, hustisya, at proteksyon laban sa abuso sa social media.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento