Matapos ang hindi natuloy na charity boxing match, tuluyan nang isinantabi ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang anumang posibilidad ng rematch laban kay Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte. Ang laban na inaabangan ng publiko ay dapat sanang ginanap noong Hulyo 27 sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila ngunit hindi ito natuloy matapos na lumipad si Duterte papuntang Singapore ilang araw bago ang event.
“Ginawa namin ang lahat para matuloy ang event at makatulong sa mga nangangailangan. Kung hindi siya sumipot, wala na akong panahon para sa drama. Mas mahalaga ang trabaho at pagtulong sa tao.” -PNP Chief Gen. Nicolas Torre III
Dahil sa hindi pagsipot ni Baste, idinakila si Torre na panalo sa pamamagitan ng default. Sa kabila nito, sinabi ng PNP chief na wala na siyang interes na maglaan pa ng oras para sa rematch.
“I have a lot of work and this is not worth responding to,” ani Torre sa panayam.
“As you can see, we exerted a lot of effort in this event. I don’t think he is worth responding to at this point. We should just let him be in his own world,” dagdag niya.
Bagama’t hindi natuloy ang main event, nagpatuloy pa rin ang charity boxing match at nangolekta ng milyon-milyong donasyon at relief goods para sa mga pamilyang naapektuhan ng malalakas na bagyo at pagbaha. Ayon kay Torre, ang tunay na panalo ay ang mga nasalanta na makikinabang sa nalikom na pondo.
Matatandaang si Baste Duterte mismo ang unang naghamon kay Torre sa isang suntukan. Kalaunan, nagdagdag siya ng kondisyon na dapat sumailalim sa drug test ang lahat ng public officials, kabilang si Torre at maging si President Ferdinand Marcos Jr. bago matuloy ang laban.
Para kay Gen. Nicolas Torre III, tapos na ang usapan tungkol sa laban kay Baste Duterte. Mas pinili niyang ituon ang oras at lakas sa mga makabuluhang gawain, tulad ng pagtulong sa mga pamilyang biktima ng kalamidad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento