Advertisement

Responsive Advertisement

PHILIPPINE COAST GUARD SINIMULAN NA ANG PAGHAHANAP SA 34 MISSING SABUNGEROS SA TAAL LAKE

Sabado, Hulyo 12, 2025

 



Opisyal nang inilunsad ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang underwater search operations sa Taal Lake upang hanapin ang mga bangkay ng 34 na nawawalang sabungeros na pinaniniwalaang itinapon sa lawa matapos diumano'y patayin.


“Hindi madali ang operasyon. Malalim at mapanganib ang Taal Lake, pero ginagawa namin ito para sa pamilya ng mga nawawala at para sa hustisya. Sana gabayan kami ng Diyos sa misyon na ito.” -Commodore Geronimo Tuvilla


Ayon kay Commodore Geronimo Tuvilla, commander ng PCG District Southern Tagalog, isang command post at staging area ang naitayo na malapit sa Taal Lake para suportahan ang operasyon. Gumagamit din sila ng aerial drones at mga technical divers upang mas mapadali ang paghahanap.


Sa ngayon, 11 divers na ang dumating at inaasahang aabot sa 33 kabuuang divers ang makikibahagi sa operasyon.


“Prayoridad natin ang kaligtasan ng mga personnel at ang pagsasaalang-alang sa kondisyon ng lawa. May mga lead tayong bineberipika ngayon,” pahayag ni Commodore Tuvilla.


Ang paghahanap ay resulta ng pormal na kahilingan mula kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, na humiling ng deployment ng PCG’s specialized units upang tulungan ang isinasagawang imbestigasyon.


Ayon sa ulat, kasama ang Philippine National Police (PNP) sa koordinasyon ng search and recovery mission.


Ang operasyon ay bunsod ng pahayag ni Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy, isa sa anim na security guards na iniimbestigahan kaugnay sa kaso. Sa kanyang salaysay noong Hunyo, sinabi niyang:


“Ginamitan po ng tie wire sa leeg, saka itinapon sa Taal Lake ang mga biktima.”


Dahil dito, mas lalong pinaigting ng mga otoridad ang paghahanap upang makuha ang ebidensiya na makakatulong sa pagresolba ng kaso.


Ang ginagawang paghahanap ng PCG sa Taal Lake ay higit pa sa isang search operation. Ito ay isang misyon para sa katotohanan at hustisya para sa mga nawawalang sabungeros at kanilang mga pamilya.


Habang umaasa ang publiko na may madiskubreng ebidensiya, nananatiling matatag ang layunin ng mga otoridad: hindi lang para tapusin ang imbestigasyon, kundi upang ipakita na sa kabila ng takot at panganib, may mga ahensiyang handang tumindig para sa tama.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento