Nilinaw ni Senador Panfilo "Ping" Lacson na ang kanyang panukalang batas na “Parents Welfare Act of 2025” (Senate Bill No. 396) ay hindi nagpapataw ng obligasyon sa mga anak na tulungan o suportahan ang kanilang mga magulang kung ang mga ito ay naging mapang-abuso, mapanakit, o pinabayaan sila noong bata pa sila.
“Mahalaga ang respeto at pagmamahal sa magulang, pero hindi ito pwedeng pilitin lalo na kung may kasaysayan ng pang-aabuso. Ang batas ay dapat maging makatao at makatarungan,” -Senador Panfilo "Ping" Lacson
Sa isang pahayag nitong Huwebes, binigyang-diin ni Lacson na may mga exemption ang batas para sa mga kasong may halatang kapabayaan o pang-aabuso mula sa magulang.
“Walang obligasyon ang anak na suportahan ang magulang na nanakit, nang-abuso, o basta na lang silang iniwan. Hindi natin maituturing na utang na loob ang sakit at trauma,” saad ni Lacson sa Filipino.
Layunin ng panukala na maprotektahan ang mga matatanda at may sakit na magulang na talagang nangangailangan ng tulong. Ngunit malinaw sa batas na ang karapatan sa suporta ay hindi automatic, lalo na kung ang magulang ay hindi naging responsableng magulang noon.
Sa kabila ng kulturang Pinoy na "utang na loob sa magulang," binibigyang-pansin ni Senador Lacson ang emosyonal at pisikal na pinsala na maaaring idulot ng magulang sa anak. Hindi ito dapat balewalain o ipagwalang-bahala sa ngalan ng tradisyon.
“Hindi ko layunin na pilitin ang mga anak na bumalik sa magulang na sumira sa kanila. Ang layunin ng batas na ito ay itama ang tama at ituwid ang mali. Responsibilidad ang tunay na pundasyon ng karapatan.”
Ang panukalang “Parents Welfare Act of 2025” ay isang makataong batas na nililikha hindi lang para sa kapakanan ng matatanda kundi pati na rin sa kapakanan ng mga anak na minsang nasaktan ng mismong taong dapat sana’y nagmahal sa kanila. Sa panahon ngayon, kailangang kilalanin ang mga emosyonal na sugat ng anak bilang dahilan upang hindi ipilit ang isang tungkulin na may halong takot o trauma.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento