Isang mahigpit na hakbang ang ipinatupad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para kontrolin ang pagkalat ng sugal sa bansa. Sa inilabas na memorandum nitong Hulyo 7, 2025, ipinag-utos ng ahensya sa lahat ng gaming licensees, suppliers, system administrators, at gaming venue operators na tanggalin kaagad ang lahat ng uri ng gambling advertisement materials — mula billboard, wallscape, hanggang sa mga ads sa pampublikong transportasyon.
“Hindi kami kontra sa gaming industry bilang bahagi ng nation-building, pero hindi namin hahayaang maging normal sa ating lipunan ang adiksyon sa sugal. Lalo na sa mga kabataan, sila ang dapat protektahan.” -PAGCOR Chairman Alejandro Tengco
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malaking layunin na protektahan ang mga kabataan at iba pang vulnerable na sektor laban sa adiksyon sa sugal.
“While PAGCOR is mandated to regulate the gaming industry and generate revenues for nation-building, we do not want to encourage a culture of gambling addiction. Regulating excessive and pervasive gambling advertisements is a critical step in protecting vulnerable sectors of society, especially the youth,” pahayag ni Tengco.
Mayroong hanggang Agosto 15, 2025 ang lahat ng gaming stakeholders upang ganap na matanggal ang mga naturang ads.
Mariing itinakda ng PAGCOR na bawal na bawal palitan ang tinanggal na sugal ads ng panibagong gambling promotions. Tanging ang mga kampanya patungkol sa responsible gaming na aprubado ng PAGCOR ang papayagan.
Ang hakbang na ito mula sa PAGCOR ay nagpapakita ng balanseng pagtingin sa gaming industry: kinikilala ang kontribusyon nito sa ekonomiya, ngunit higit sa lahat, inuuna ang kapakanan ng tao.
Sa panahon ngayon kung saan halos lahat ay makikita sa social media at kalsada, mahalagang kontrolin ang mga bagay na maaaring makaapekto sa isipan ng publiko lalo na ng kabataan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento