Isang 77-anyos na lola ang naging biktima ng matinding panlilinlang at pananakit ng isang grupo ng kawatan sa Tondo, Maynila. Ayon sa ulat ng mga awtoridad nitong Biyernes, hindi lamang ninakawan ang matanda, kundi sinaktan at inutakan pa siya ng mga suspek gamit ang taktika na pinaniniwalaang may kasamang hypnosis.
“Nagulat na lang ako, parang bigla akong nawalan ng lakas at hindi makagalaw. Pagkatapos, bigla na lang nila akong sinuntok at kinuha ang lahat ng gamit ko.” -lola
Ayon sa testimonya ng biktima, galing siya sa palengke nang lapitan siya ng dalawang lalaki na nagpakilalang magkapatid. Sa simula, maayos ang kanilang pakikipag-usap at inanyayahan pa siyang sumakay sa kanilang sasakyan sa pangakong tutulungan siyang maghanap ng bagong bahay.
Pagdating sa loob ng sasakyan, laking gulat ng lola nang makita ang isang babae na kasama ng mga suspek. Nagsimulang magduda ang matanda ngunit bago pa siya makatakbo, sinuntok siya ng isa sa mga lalaki at tinakpan ang kanyang mga mata.
Dito ay sapilitang kinuha ang kanyang pera at alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000. Matapos ang insidente, iniwan ang lola sa Baseco at binigyan lamang ng P200 pamasahe.
Ayon sa pulisya, hindi ito ang unang beses na may naitalang scam na katulad nito sa Tondo. Pinayuhan nila ang publiko na maging alerto sa mga estrangherong biglaang nag-aalok ng tulong o nakikipag-usap nang labis sa mga pampublikong lugar.
Ang insidente ay isang paalala sa lahat na mag-ingat sa mga hindi kilalang tao na biglang nakikipag-usap o nag-aalok ng tulong. Sa dami ng modus ngayon, mahalaga ang pagiging mapanuri at alerto.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento