Isang inspirasyon ngayon ang kwento ni Lucy Gonzaga, 71-anyos mula sa Sagay City, Negros Occidental, matapos niyang makamit ang matagal nang pangarap, ang magtapos ng kolehiyo. Patunay si Nanay Lucy na hindi hadlang ang edad o hirap ng buhay sa pag-abot ng pangarap.
“Walang huli sa taong may pangarap. Sana ang kwento ko ay maging inspirasyon sa mga kabataan na huwag sumuko kahit gaano kahirap ang buhay.” -Nanay Lucy
Tumigil sa pag-aaral si Nanay Lucy noong 1964 matapos makapagtapos ng elementarya dahil sa matinding kahirapan. Subalit hindi nawala ang kanyang pangarap na makapag-aral.
Noong 2011, sa edad na 57-anyos, nagpasya siyang bumalik sa eskwela.
Sa kabila ng maraming pagsubok at tigil sa pag-aaral, nakumpleto niya ang senior high school noong 2019.
Kasabay ng pag-aaral, pinagdaanan ni Nanay Lucy ang matinding lungkot nang pumanaw ang kanyang asawang jeepney driver noong 2019. Ginamit niya ang ₱2,500 buwanang pensyon ng yumaong asawa upang maipagpatuloy ang kanyang edukasyon at maabot ang pangarap.
Noong Hunyo 2025, nagtapos si Nanay Lucy sa kursong Bachelor of Science in Fisheries, isang tagumpay na bunga ng halos kalahating dekadang pagtiyaga at sakripisyo.
“Hindi ko inisip ang edad ko, basta may pangarap, may paraan. Kung kaya ng iba, kaya ko rin,” ani Nanay Lucy.
Sa tanong tungkol sa kanyang susunod na plano, hangad ni Nanay Lucy na magtrabaho sa Sagay City Hall at gamitin ang kanyang natutunan upang makapaglingkod sa komunidad.
Ang tagumpay ni Nanay Lucy Gonzaga ay patunay na hindi kailanman huli ang edukasyon at ang pangarap ay laging abot-kamay kung may determinasyon. Sa kabila ng kahirapan at edad, napatunayan niya na ang sipag at tiyaga ay susi sa tagumpay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento