Sa kabila ng kanyang edad na 77 taong gulang, si Lolo Remedio mula sa Panglao, Bohol ay patuloy pa rin sa pagtatrabaho. Araw-araw siyang makikitang nagtitinda ng inumin sa ilalim ng tirik na araw, dala-dala ang kanyang mga paninda at nakaayos pa rin ng maayos.
“Hindi ako magtatagal dito kung hindi para sa pamilya ko. Kung wala na akong silbi, mas pipiliin ko na lang magpahinga. Pero hangga’t kaya, kayod lang. Para sa kanila ito.” -Lolo Remedio
Hindi dahil sa libangan o dahil gusto niya, kundi dahil kailangan niya magtrabaho para sa kanyang mga anak at apo.
Bukod dito, paralisado na ang kanyang asawa, kaya halos siya na lamang ang bumubuhay sa kanilang pamilya.
“Hindi ko akalain na sa ganitong edad, magtatrabaho pa rin ako. Pero anong magagawa ko? Kailangan kumayod. Para sa pamilya,” pahayag ni Lolo Remedio.
Ayon kay Lolo Remedio, may iniinda na rin siyang karamdaman ngunit mas nangingibabaw sa kanya ang pangangailangan kaysa sa nararamdaman.
“Masakit katawan, mahina na. Pero mas masakit isipin kung wala kang maibigay sa mga anak mo, lalo na sa mga apo mo,” dagdag niya.
Sa simpleng paninda tulad ng malamig na tubig, softdrinks, at iced tea, tinitiis niya ang init ng araw at pagod, basta makaraos lang sa pang-araw-araw.
Sa halip na manatili sa bahay at magpahinga gaya ng ibang matatanda, pinipili ni Lolo Remedio ang maging aktibo at magtrabaho. Hindi dahil gusto niya, kundi dahil sa hirap ng buhay.
“Kung may magbibigay ng tulong, salamat. Pero kahit wala, tuloy lang. Basta makaraos para sa pamilya,” sabi pa ni Lolo.
Si Lolo Remedio ay larawan ng tunay na sakripisyo at pagmamahal ng isang Pilipino para sa pamilya. Sa kabila ng kanyang edad, karamdaman, at hirap ng buhay, hindi siya sumusuko.
Sa panahon ngayon kung saan maraming nagrereklamo sa simpleng pagod, ang kwento ni Lolo Remedio ay paalala na may mga taong kahit mahina na, pinipiling lumaban dahil sa pagmamahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento