Isang kontrobersyal na panukala ang inilabas ni Cavite 4th District Rep. Elpidio “Kiko” Barzaga Jr. matapos niyang imungkahi ang mabigat na parusa, kabilang ang death penalty, para sa mga taong paulit-ulit na lumalabag sa simpleng batas gaya ng pagkalat ng basura (littering).
“Maaaring extreme para sa ilan ang aking panukala, ngunit kailangan natin ng mas matinding disiplina kung nais nating makita ang tunay na pagbabago sa ating komunidad.” -Cong. Kiko Barzaga
Sa kanyang Facebook post noong Biyernes, Hulyo 25, sinabi ni Barzaga na ang simpleng paglabag gaya ng pagtatapon ng basura sa maling lugar ay tila maliit na bagay, ngunit kapag paulit-ulit na ginagawa, ay nagdudulot ng mas malalaking problema sa lipunan.
“Minsan kailangan natin maging mahigpit sa maliliit na bagay para maipatupad ang disiplina. Kung hindi titino ang tao sa simpleng batas gaya ng tamang pagtatapon ng basura, paano pa sa mas malalaking bagay?” ani Barzaga.
Nilinaw ni Barzaga na ang death penalty ay hindi agad ipapataw sa unang paglabag kundi sa mga taong paulit-ulit at sadyang walang pagpapakita ng disiplina. Ayon sa kanya, ang kanyang pahayag ay paraan upang gisingin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng kalinisan at respeto sa batas.
“Hindi lang ito tungkol sa kalat, kundi sa kabuuang ugali at respeto natin sa ating bayan,” dagdag niya.
Mabilis na nag-viral ang pahayag ni Barzaga, kung saan marami ang bumatikos dahil sa pagiging “sobrang harsh” ng panukala. Ngunit may ilan ding sumang-ayon na dapat mas higpitan ang mga parusa upang mas maging disiplinado ang mga tao.
Ang panukalang parusa ni Cong. Kiko Barzaga ay naglalayong pukawin ang disiplina at kaayusan ng mamamayan, kahit pa maraming bumabatikos sa pagiging sobra nito. Ito ay paalala na kahit simpleng paglabag gaya ng pagtatapon ng basura ay may malaking epekto sa ating kapaligiran at pamayanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento