Kahit hindi dumalo si acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa inaabangang laban nila ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III, nagwagi pa rin ang publiko matapos makalikom ang nasabing charity boxing event ng mahigit P15 milyong cash donations at iba pang relief goods. Ang naturang pondo ay nakalaan para sa mga pamilyang nasalanta ng malawakang pagbaha at malalakas na pag-ulan na dulot ng sunod-sunod na bagyo at habagat.
“Ang laban ay hindi lang tungkol sa boksing, kundi sa pagtutulungan. Ang bawat sentimong nakolekta ay magsisilbing pag-asa para sa mga kababayan nating nasalanta ng kalamidad.” -Gen. Nicolas Torre III
Ayon kay Gen. Torre, Sabado pa lang ng gabi ay lagpas P15 milyon na ang cash donations na nakolekta ng PNP. Bukod pa rito, maraming non-cash donations tulad ng canned goods, sako ng bigas, at iba pang relief items ang ibinigay upang makatulong sa mga apektadong pamilya.
“Lubos kaming nagpapasalamat sa malawakang suporta ng ating mga kababayan,” pahayag ni Torre.
“Ang mga donasyong ito ay ipapamahagi sa mga nangangailangan na naapektuhan ng mga sakuna,” dagdag niya.
Bago pa man ang hindi natuloy na laban, nagkaroon ng apat na undercard fights mula sa PNP boxing team na pinanood ng publiko. Kahit wala ang main event, nanatiling masigla ang programa at mainit ang suporta ng mga manonood.
Dumalo sa event ang mga kilalang opisyal tulad nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, National Police Commission Vice Chairman Rapahelm Calinisan, at iba pang mataas na opisyal ng PNP.
Ang charity boxing match ay patunay na higit sa anumang laban sa ring, mas mahalaga ang laban para sa kapwa. Kahit hindi natuloy ang main fight, ang mahigit P15 milyon na donasyon at mga relief goods na nalikom ay malaking tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng mga kalamidad.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento