Isiniwalat ni Rep. Paolo “Polong” Duterte na hindi pabor ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa plano ng partner nitong si Honeylet Avanceña na ibenta ang kanilang tahanan sa Davao City ang tinuturing ni Duterte bilang kanyang kauna-unahang bahay.
“Bakit ibenta ‘yon eh ‘yon ang una kong binili na bahay? Meron namang iba pang bahay si Honeylet. Mas malaki ‘yon.” -Dating Pangulong Rodrigo Duterte
Sa panayam, ibinahagi ni Polong ang naging pag-uusap nila ng ama habang binisita niya ito sa International Criminal Court (ICC) detention facility sa The Hague, Netherlands.
“Eh ‘yung bahay mo, Pa? Puwede ba ‘yon ibenta ni Honeylet?” tanong ni Polong.
“Sagot niya: ‘Ha? Bakit ibenta ‘yon eh ‘yon ang una kong binili na bahay? Meron namang iba pang bahay si Honeylet. Mas malaki ‘yon.’”
Gayunpaman, inamin ng kongresista na wala silang magagawa dahil nakapangalan kay Honeylet ang titulo ng bahay. Sa kabila ng lahat, tiniyak din ni Polong na may tahanan pa rin ang kanilang ama sakaling makalaya ito mula sa ICC.
“Sabi ng mama ko, kapag nakalabas si papa, at kung wala siyang matutuluyan, sa bahay na lang namin siya titira,” dagdag niya.
Matatandaang Hunyo 28, kinumpirma mismo ni Honeylet na ibinebenta niya ang bahay dahil siya na lang ang madalas pumupunta roon.
“Masakit sa dibdib ko every time I go inside. Ako na lang ang pumapasok diyan. May apat na katulong pero walang amo,” ani Honeylet.
Ngunit isang araw matapos ang pahayag na ito, napansin ng publiko na tinanggal na ang tarpaulin at contact number para sa mga interesadong bumili, na tila nagbabadya ng pagbabago sa desisyon.
Ang isyung ito ay nagpapakita hindi lamang ng alitan o hindi pagkakaunawaan sa pamilya, kundi ng emosyonal na halaga ng mga alaala sa isang tahanan. Para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, higit pa sa lupa at pader ang bahay sa Davao ito ay simbolo ng kanyang pinaghirapan at pinagmulan.
Sa kabilang banda, hindi rin maitatanggi ang lungkot ni Honeylet, na siya na lamang ang pumupunta sa bahay na dati'y buhay na buhay. At sa gitna ng lahat ng ito, ang pamilya Duterte ay muling ipinapakita na sa dulo, ang bawat tahanan ay may kasaysayang hindi basta puwedeng isara o ibenta.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento