Sa isang makasaysayang pahayag, ipinanawagan ni House Speaker Martin Romualdez ang pagbubukas ng bicameral conference committee deliberations sa publiko bilang bahagi ng kanyang adbokasiya para sa mas bukas at tapat na budget process sa nalalapit na 20th Congress.
“Ang transparency at accountability ang dapat maging pundasyon ng ating pambansang budget,” pahayag ni Romualdez. “Ang pagbubukas ng bicam sa publiko ay mahalaga upang maibalik ang tiwala at masigurong wasto ang paggasta sa pera ng bayan.”
Ayon kay Romualdez, kailangang bigyang-linaw at tiwala ang sambayanan sa bawat pisong ginagastos ng gobyerno. Isa sa mga hakbang para dito ay ang pagpapalawak ng transparency sa proseso ng pagbubuo ng pambansang budget lalo na sa Bicam meetings, na siyang huling yugto ng pagkakasundo ng House at Senate sa pinal na budget version.
Nagpahayag si Romualdez ng buong suporta sa lumalakas na panawagan ng #OpenBicam movement isang kampanya para sa live-streaming at full disclosure ng bicameral discussions. Ito ay upang mabigyan ng oportunidad ang taumbayan na masubaybayan ang mahahalagang desisyong ginagawa ng Kongreso.
“Hindi lang dapat sa papel ang transparency. Dapat naririnig at nakikita ito ng mamamayan,” dagdag pa ni Romualdez.
Ipinaalala rin ng Speaker na sa 19th Congress ay naipasa ang mga panukalang batas para sa fiscal discipline. Ngayon naman, layon niyang isulong pa ang mas malawak na reporma, kabilang ang institutionalization ng open budget processes.
Nanawagan rin siya sa publiko, civil society, at media na manatiling mapagbantay:
“Makialam, makinig, manood. Ito ang pera ninyo, ito ang kinabukasan ninyo ito ang Kongreso ninyo,” ani Romualdez.
Ang panawagan ni Speaker Martin Romualdez para sa isang bukas na bicameral conference committee ay isang hakbang tungo sa mas makabuluhang partisipasyon ng taumbayan sa usaping pinansyal ng bansa. Sa pamamagitan ng live-streamed deliberations at masusing pagsubaybay, layunin ng lider ng Kamara na ibalik ang tiwala ng publiko at itaguyod ang responsableng pamahalaan.
“Hindi natin kailangang magtago sa mamamayan. Dapat sabay tayong nagdedesisyon para sa mas maayos na kinabukasan ng bawat Pilipino,” pagtatapos ni Romualdez.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento