Hindi maitago ni Deo Balbuena, mas kilala bilang “Diwata,” ang matinding pagkadismaya sa naging resulta ng halalan, kung saan bigong makapasok sa Kongreso ang Vendor’s Party-list — grupong layuning itaguyod ang karapatan ng maliliit na tindero sa bansa.
"Masakit man ang pagkatalo, hindi ito katapusan ng laban para sa mga tindero’t tindera. Patuloy kaming maninindigan para sa karapatan nila — sa Kongreso man o sa lansangan. Pero sana, matutunan din nating lahat na kahit sa harap ng pambabatikos, ang respeto at dignidad ay armas ng tunay na lider." - Diwata
Sa pinakahuling datos mula sa Commission on Elections (Comelec), pumuwesto lamang ang Vendor’s Party-list sa ika-110 sa 155 party-list na tumakbo nitong midterm elections. Si Diwata ay ika-apat sa listahan ng mga nominado ng grupo.
Ayon kay Diwata, hindi lang siya ang talo, kundi buong sektor ng mga vendor at ordinaryong mamamayan na umaasang magkakaroon ng tunay na kinatawan sa Kongreso.
“Ang pagkatalo ng Vendor’s Party-list ay pagkatalo ng buong Pilipinas,” emosyonal na pahayag niya.
Matapos ang eleksyon, binaha ng pambabatikos si Diwata online, kung saan maraming netizens ang nagkomento tungkol sa kanyang pagkatalo. Ngunit imbes na manahimik, bumuwelta si Diwata at naglabas ng galit sa isa sa mga bashers.
“Tignan mo na lang kalagayan mo sa buhay bago mo ako bantayan. Mayaman na ako!” matapang niyang sagot sa social media.
Ang kanyang emosyonal na tirada ay naging usap-usapan sa internet at humakot ng iba't ibang reaksyon mula sa publiko—mula sa mga sumusuporta sa kanyang adhikain, hanggang sa mga nagsasabing dapat ay pinairal niya ang mas mahinahong tugon bilang isang public figure.
Ang pagkatalo ng Vendor’s Party-list ay nag-iwan ng sugat hindi lang kay Diwata, kundi sa sektor ng mga maliliit na negosyante na inaasahan sana ang kanilang representasyon sa Kongreso. Gayunpaman, naging masalimuot din ang reaksyon ng publiko lalo na sa paraan ng kanyang tugon sa mga pambabatikos. Isa itong paalala na ang pagtakbo sa politika ay hindi lang laban sa eleksyon, kundi laban sa sariling pag-uugali at imahe sa harap ng publiko.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento