Advertisement

Responsive Advertisement

PRESIDENT MARCOS NANAWAGAN: “ISANTABI NA ANG PULITIKA, PANAHON NA PARA SA PAGBANGON NG BAYAN”

Linggo, Mayo 18, 2025


 

Matapos ang proklamasyon ng 12 nanalong senador sa 2025 midterm elections, nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng pagkakaisa at pagtutok sa mga tunay na isyu ng bayan. Ginawa niya ang panawagan sa thanksgiving party ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa kanilang headquarters sa Mandaluyong City nitong Sabado.


Sa kanyang talumpati, iginiit ni Marcos na tapos na ang eleksyon at dapat nang kalimutan ang politika upang pagtuunan ang mga suliranin sa ekonomiya, edukasyon, kalusugan, at agrikultura.


“Panahon na para isantabi ang pulitika. Hindi na dapat pulitikal ang pinag-uusapan kundi mga isyu ng kaunlaran—kalusugan, edukasyon, agrikultura, supply,” saad ng Pangulo.


Hiniling din ni Pangulong Marcos ang kooperasyon ng media upang maiparating sa taumbayan ang mga patakaran at programa ng kanyang administrasyon.


“Lagi natin binibilang ang araw na natitira sa termino ko. At kailangan matapos ang nasimulan natin,” sabi niya.


“Kaya ang pakiusap ko sa inyo, tulungan niyo akong ipabatid sa tao ang mga ginagawa natin. Sa susunod na tatlong taon, tuloy ang trabaho para sa isang Bagong Pilipinas,” dagdag niya.


Sa kabila ng limitadong panalo ng administration-backed slate (6 sa 12 nanalong senador ay mula sa Alyansa), nananatili ang kumpiyansa ni Marcos na maipagpapatuloy ang mga programa ng kanyang administrasyon hanggang 2028. Inulit niyang hindi hadlang ang politika sa pagpapatuloy ng mga proyektong nakapagsimula na sa ilalim ng kanyang termino.


Sa kabila ng pagkakahati-hati ng bansa sa panahon ng kampanya, ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay malinaw: panahon na para magkaisa, kalimutan ang politika, at ituon ang pansin sa mga problemang kailangang tugunan.


Habang lumilipas ang mga araw ng kanyang termino, nais niyang maiparamdam sa bawat Pilipino na may ginagawa at may natatapos, basta’t magtutulungan ang pamahalaan, pribadong sektor, media, at mamamayan.


“Ang Bagong Pilipinas ay hindi lang slogan—isa itong panawagan sa pagkilos. Sa susunod na tatlong taon, sabay-sabay nating buuin ang mas maayos na kinabukasan.” — Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento