Inihayag ni Akbayan Rep. Perci Cendaña na isusulong niya ang “Kian Delos Santos Bill,” isang panukalang batas na layuning protektahan ang human rights at due process ng mga drug dependents sa bansa. Giit niya, panahon nang kilalanin na kahit adik pa sila, tao sila, hindi hayop na pwedeng patayin, abusohin, o tratuhing parang walang halaga.
“Hindi hayop ang mga drug dependents. Tao sila at may karapatang pantao. Sa pamamagitan ng Kian Delos Santos Bill, sisiguraduhin nating hindi na mauulit ang pagpatay at pag-abusong walang due process. Dapat protektahan, hindi pahirapan.” -Rep. Perci Cendaña
Ayon kay Cendaña, ang panukalang batas ay inspirasyon mula sa sinapit ni Kian Delos Santos, ang binatilyong napatay sa Oplan Tokhang noong nakaraang administrasyon. Ang kaso ni Kian ay simbolo ng paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso ng ilang pulis na ginawang normal ang pagpatay nang walang imbestigasyon.
Giit ni Cendaña, hindi kailanman mawawala ang droga sa bansa kung takot ang pamamalakad at hindi rehabilitation, prevention, at justice ang approach.
Dagdag niya, ang pagpatay sa mga adik ay hindi nagiging solusyon, nagiging pattern lang ng karahasang hindi humihinto.
Ang ipinapanukalang Kian Delos Santos Bill ay malinaw na tugon sa mga sugat na iniwan ng madugong drug war. Kung maisasabatas, maaari itong maging isa sa pinakamahalagang hakbang tungo sa makataong anti-drug policy na hindi na muling magbubunga ng trahedya tulad ng kay Kian.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento