Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isa sa pinakamabigat na hamon ng kanyang administrasyon ay ang paglilinis sa napakalalim at napakalalang korapsyon na minana pa raw nila mula sa nakaraang administrasyon.
Ayon sa Pangulo, hindi ito simpleng problema na maaayos sa loob lamang ng ilang buwan, sistemang ugat-ugat ang katiwalian at kumalat sa halos lahat ng antas ng pamahalaan bago pa man siya maupo.
“Aminado po tayo mahirap linisin ang napakalalang korapsyon na minana namin. Pero may tatlong taon pa ako at gagawin ko ang lahat para tuldukan ito.” - Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, ang iba’t ibang anomalya na lumalabas ngayon flood control scandal, ghost projects, questionable budget insertions ay hindi umano nagsimula sa kanyang administrasyon.
Ipinunto niya na ang mga ito ay resulta ng taon-taong kapabayaan, pang-aabuso, at kultura ng katiwalian sa nakaraang pamamahala. Giit niya, kung gaano kalalim ang ugat, ganoon kalaki ang trabahong kailangang harapin ngayon.
Sa gitna ng kaliwa’t kanang imbestigasyon at kontrobersiya, malinaw na gustong ipakita ni Pangulong Marcos na hindi siya nagbubulag-bulagan sa bigat ng problemang iniwan sa kanya. Ang pangako niyang tapusin ang korapsyon sa loob ng natitirang tatlong taon ay palatandaan ng isang administrasyong nais mag-iwan ng malinis na bakas at totoong reporma.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento