Inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla na alam umano ng ahensya ang kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sa gitna ng usapin tungkol sa posibilidad ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC). Ayon sa kalihim, mahigpit nilang mino-monitor ang senador at handa silang kumilos anumang oras kapag may dumating na utos mula sa “itaas.”
“We are monitoring him. Alam namin kung nasaan siya. Wala siyang takas sa amin. Hintayin na lang namin kung may utos na sa itaas.” - DILG Secretary Jonvic Remulla
Ayon kay Remulla, hindi umano totoo na nagtatago ang senador, ngunit malinaw na hindi ito nagpapakita sa Senado sa gitna ng kontrobersya. Sa pahayag niya, iginiit ng kalihim na hindi makakalusot si Dela Rosa at walang maaaring itago sa kanila dahil bahagi ito ng kanilang mandato—ang bantayan at siguraduhing nasusunod ang batas.
Nagbigay rin si Remulla ng mensahe sa publiko na ang DILG ay gumagalaw nang ayon sa batas at hindi magpapatupad ng anumang aksyon hangga’t walang malinaw na utos mula sa mas mataas na awtoridad. Gayunpaman, malinaw sa kanyang tono na ihanda man o hindi si Dela Rosa, nakabantay sa kanya ang pamahalaan.
Sa matapang na pahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla, malinaw na hindi bibitawan ng pamahalaan ang kaso kaugnay ni Sen. Bato dela Rosa. Habang wala pang opisyal na arrest order, nakaabang na raw sila sa anumang direktiba mula sa mas mataas na awtoridad.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento