Naglabas ng matapang na pahayag si Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) chairperson Teddy Casiño, na nagsabing hindi welcome sa darating na Nobyembre 30 rally sa Luneta ang mga BBM loyalists at DDS supporters, partikular na yung nagtatanggol sa kasalukuyang administrasyon o nagtutulak na maging pangulo si VP Sara Duterte.
Sa press briefing noong Nobyembre 19, iginiit ni Casiño na bukas ang kanilang pagkilos sa lahat ng Pilipinong galit sa korapsyon at nagnanais ng pananagutan, ngunit hindi raw ito dapat gawing entablado ng mga tagapagtanggol ng mga opisyal na sangkot sa mga isyung kinakaharap ng bansa.
“Welcome po ang lahat maliban lang sa mga DDS, ang hindi lang po puwede sa Luneta ay ‘yung nagdedepensa kay BBM at nais gawing presidente si Sara.” -Teddy Casiño.
Ayon kay Casiño, ang layunin ng November 30 rally ay hindi upang suportahan ang sinumang partido o personalidad, kundi itulak ang transparency at pananagutan sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng gobyerno kabilang na ang ₱100-bilyong budget insertion scandal at mga alegasyon ng malawakang korapsyon sa flood control projects.
Nilinaw ni Casiño na hindi nila pinipigilan ang sinuman na dumalo, ngunit inaasahan nilang igagalang ang layunin ng pagkilos. Ang mga BBM loyalists at DDS groups, aniya, ay malayang magsagawa ng sarili nilang pagtitipon ngunit hindi dapat sabayan o istorbohin ang isasagawang anti-corruption mobilization ng iba’t ibang sektor.
Ang pahayag ni Teddy Casiño ay malinaw na naglalayong protektahan ang integridad ng Bonifacio Day rally isang kilos-protesta na nakatuon sa pagtutuligsa ng katiwalian at pagpapalakas ng boses ng mamamayan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento