Nilinaw ng Akbayan Representative Perci Cendaña at Kamanggagawa Representative Eli San Fernando na wala pa silang nakikitang sapat na dahilan upang simulan ang impeachment process laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay kasunod ng mga pahayag ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, na nagsabing inutusan umano ng Pangulo ang ₱100-bilyong budget insertion sa 2025 national budget.
Ayon kay Cendaña, bagama’t seryosong usapin ang mga alegasyon, hindi ito maaaring gawing batayan hangga’t walang konkretong ebidensiya na magpapatunay ng direktang pakikialam ng Pangulo sa nasabing anomalya.
“Walang sinuman ang exempted sa pananagutan, kahit ang Pangulo. Pero kailangang malinaw ang basehan hindi pwedeng puro sabi-sabi o video sa social media lang." -Rep. Perci Cendaña
Ani Rep. Eli San Fernando, kailangang mapatunayan muna kung totoo at hindi manipulated ang mga video, at kung ito ay pinanumpaan sa ilalim ng batas upang maging bahagi ng isang pormal na imbestigasyon. Ipinanawagan ni Cendaña na magkaroon muna ng masusing imbestigasyon sa Ombudsman at sa Kongreso bago pag-usapan ang anumang impeachment move.
Sa gitna ng lumalakas na panawagan para sa impeachment ni Pangulong Bongbong Marcos, nanindigan sina Rep. Perci Cendaña at Rep. Eli San Fernando na ang proseso ng hustisya ay dapat nakabatay sa katibayan, hindi sa opinyon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento