Mariing ipinahayag ni Akbayan Representative Perci Cendaña na wala umanong moral ascendancy o karapatan ang pamilya Duterte na batikusin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa gitna ng mga isyu ng korapsyon at anomalya sa administrasyon.
Ayon kay Cendaña, bago magmalinis at maningil ng pananagutan, dapat munang harapin ng mga Duterte ang mga alegasyon na ibinabato laban sa kanila, partikular na ang isyu sa confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education sa panahon ni VP Sara Duterte.
“Bago manawagan ng pananagutan, tingnan muna nila kung may nalinis ba sila noong sila ang nasa puwesto. Hindi pa nila napapatunayan na inosente sila.” - Rep. Perci Cendaña
Dagdag pa ni Cendaña, hindi raw makatarungan na ang mga Duterte ang manguna sa pambabatikos sa kasalukuyang administrasyon, samantalang may sarili rin silang mga isyung hindi pa nalilinaw.
Binanggit ng kongresista na “accountability starts at home” at kung gusto raw ni VP Sara na magkaroon ng kredibilidad sa mga isyu ng korapsyon, dapat niyang buksan ang kanyang sariling rekord sa publiko.
Para kay Rep. Perci Cendaña, malinaw ang mensahe: ang mga Duterte ay walang karapatang moral na batikusin ang kasalukuyang administrasyon hangga’t hindi nila nililinis ang kanilang pangalan sa mga kontrobersiya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento