Inanunsyo ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts, na magkakaroon ng imbestigasyon ang Kamara sa kontrobersyal na Dolomite Beach project sa Manila Bay isang proyektong inilunsad noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Ridon, sisimulan ang pagdinig sa Nobyembre, na layuning siyasatin ang posibleng overpricing, korapsyon, at environmental impact ng nasabing proyekto na nagkakahalaga ng ₱389 milyon.
“Ang pagdinig na ito ay napakahalaga dahil nagbubukas ito ng mga tanong tungkol sa sobrang presyo at posibleng katiwalian sa mga proyektong imprastraktura. Kailangan malaman ng taumbayan kung saan napunta ang bawat sentimo, Hindi pwedeng puro ganda lang dapat nakakatulong din” pahayag ni Ridon.
Batay sa ulat ng MMDA, tatlong pangunahing drainage outfalls ang Faura, Remedios, at Estero San Antonio Abad ang isinara upang maitayo ang Dolomite Beach. Dahil dito, nahirapan ang tubig-ulan na makadaloy ng maayos, at napilitan itong dumaan sa sewerage treatment plant na walang sapat na kapasidad. Ito umano ang dahilan kung bakit lumalala ang pagbaha sa ilang bahagi ng Maynila, kabilang ang kahabaan ng Taft Avenue.
Dagdag pa rito, matagal nang binabatikos ng mga environmental groups ang Dolomite Beach dahil hindi nito nasolusyunan ang tunay na problema sa polusyon sa Manila Bay.
Ayon sa kanila, imbes na makatulong, ang proyekto ay nag-aksaya lamang ng pondo ng bayan at nagdulot pa ng pinsala sa ekosistema. Marami rin ang nagdududa sa pinagmulan ng dolomite materials at sa proseso ng paglalagay nito, na sinasabing maaaring labag sa environmental standards.
Sinimulan ang proyekto noong 2020 sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH), bilang bahagi umano ng “Manila Bay Rehabilitation Program.” Binuksan ito sa publiko noong 2022, ngunit simula noon ay naging sentro ng kontrobersiya dahil sa epekto nito sa kapaligiran at sa kawalan ng malinaw na layunin.
Ang hakbang ni Rep. Terry Ridon na ipaimbestiga ang Dolomite Beach project ay isang malinaw na senyales ng panawagan para sa pananagutan at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento