Kasunod ng mga pahayag ni dating Ako Bicol Representative Zaldy Co na idinawit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa umano’y ₱100-bilyong budget insertion sa 2025 national budget, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na hindi agad-agad maaaring kasuhan ang Pangulo hangga’t hindi nasusuri ang kredibilidad ng mga alegasyon.
Sa isang media interview, binigyang-diin ni Remulla na ang anumang kaso laban sa isang nakaupong Pangulo ay kailangang dumaan sa masusing pagsusuri at legal evaluation.
“It’s something we have to look at if possible. Pag-aralan muna namin kung pwede ba. It has to be believable in the first place” - Ombudsman Boying Remulla
Sa kanyang viral na video expose, inakusahan ni Zaldy Co ang ilang mataas na opisyal ng gobyerno kabilang umano si Pangulong Marcos na may direktang kinalaman sa kontrobersyal na budget insertion. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring maipakitang matibay na ebidensya si Co, at hindi rin siya bumabalik sa bansa upang tumestigo nang personal.
Ayon sa Ombudsman, mahirap tanggapin bilang ebidensya ang video statements lamang, lalo na kung ito ay hindi pinanumpaan sa ilalim ng batas. Nilinaw ni Remulla na ang Office of the Ombudsman ay hindi magpapadala sa pressure ng publiko o media.
Sa gitna ng mga maiinit na isyu ng korapsyon at “budget insertion scandal,” nanindigan si Ombudsman Boying Remulla na ang batas at ebidensya lamang ang magiging batayan ng kanilang aksyon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento