Nagpahayag ng matinding pagdududa si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa biglaang paglabas ng mga pahayag at ebidensiya ni dating kongresista Zaldy Co kaugnay ng umano’y flood control anomalies na nagdudugtong sa administrasyong Marcos.
Ayon kay De Lima, hindi sapat ang mga video o online statements lamang para patunayan ang mga paratang ni Zaldy kinakailangan aniyang bumalik siya sa bansa at tumestigo sa ilalim ng panunumpa.
“Hindi pwede iyang video-video lang. Bilang isang abogado, malinaw kailangan niyang bumalik at humarap sa tamang proseso. Dapat under oath, hindi sa social media,” - pahayag ni Rep. Leila De Lima
Ayon pa sa kongresista, kahina-hinala ang timing ng mga rebelasyon ni Zaldy Co, lalo na’t ilang buwan itong nanahimik bago muling lumutang sa publiko. Idinagdag ni De Lima na posibleng may politikal na motibo ang likod ng biglaang pagbubunyag, lalo na’t wala umanong malinaw na kredibilidad si Co sa mga nauna nitong kontrobersya.
Binigyang-diin ni De Lima na kung tunay ang hangarin ni Co na tumulong sa bansa, dapat siyang umuwi sa Pilipinas at harap-harapan na isiwalat ang katotohanan sa tamang forum sa Kongreso o sa mga opisyal na imbestigasyon.
Dagdag pa ni De Lima, hindi maaring maging basehan ng hustisya ang mga social media uploads, at kailangang dumaan ang lahat sa proseso ng batas upang masigurong may bigat at integridad ang mga pahayag.
Sa gitna ng mainit na isyu ng flood control corruption scandal, muling pinaalalahanan ni Rep. Leila De Lima ang publiko na ang tunay na hustisya ay hindi nakukuha sa social media hype.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento