Muling umigting ang tensyon sa pagitan ng Malacañang at kampo ni Vice President Sara Duterte, matapos maglabas ng matapang na pahayag si Presidential Communications Office (PCO) Spokesperson Atty. Claire Castro laban sa mga panawagang magbitiw si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Castro, isang malinaw na propaganda ang mga alegasyon at paninira laban sa pangulo, na aniya’y bahagi ng mas malaking plano ng oposisyon upang pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon at ipalit sa puwesto si VP Sara Duterte.
“Hindi ito usapin ng transparency o accountability. Alam namin na may mga plano ang opposition na paalisin si Pangulong Marcos at ipalit ang anak ng isang korap. Kung yan ba ang solusyon sa problema ng bansa, baka mas malaking problema pa ang darating.” - Atty. Claire Castro
Inihayag ni Castro na matagal nang napapansin ng Malacañang ang koordinadong kampanya laban kay Marcos, na binubuo umano ng mga oposisyon, dating kaalyado, at ilang personalidad sa social media. Ang layunin umano ay sirain ang kredibilidad ng pangulo at itulak ang ideya ng “regime change.”
Bagaman hindi diretsahang pinangalanan, kapansin-pansin na may patutsada si Castro kay VP Sara Duterte, matapos nitong manatiling tahimik sa gitna ng mga isyung ibinabato sa administrasyon. Nilinaw din ni Castro na wala ni isang dahilan upang magbitiw sa puwesto si Marcos Jr.
Sa matapang na pahayag ni Atty. Claire Castro, muling ipinakita ng Malacañang ang paninindigan nitong ipagtanggol si Pangulong Marcos Jr. laban sa mga destabilization attempts ng oposisyon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento