Nanindigan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maibabalik pa rin ang tiwala ng sambayanang Pilipino sa kanyang administrasyon sa kabila ng mga hamon at isyung kinakaharap ng pamahalaan. Sa isang panayam kamakailan, tiniyak ng Pangulo na patuloy niyang isusulong ang hustisya, pananagutan, at katapatan sa serbisyo publiko.
Ayon kay Marcos, ang transparency at accountability ay magiging pundasyon ng kanyang pamumuno. Idinagdag pa niya na hindi siya mangingimi na papanagutin ang sinumang mapatunayang sangkot sa katiwalian o pag-abuso sa kapangyarihan maging ito man ay kaalyado, opisyal ng gobyerno, o kamag-anak.
“Time will come, maibabalik din natin ang tiwala ng taumbayan. Ipapakulong natin ang mga may sala. Wala tayong sinasanto, kahit sino pa ‘yan kahit kapamilya. Ang batas ay batas, at ang tiwala ng taumbayan ay hindi pwedeng suwayin,” mariing pahayag ng Pangulo.
Sinabi rin ni Marcos na ang tunay na pagbabago ay hindi nasusukat sa bilis, kundi sa katapatan ng proseso. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga tiwali at pagpapalakas ng mga programa laban sa korapsyon, unti-unting mabubuo muli ang kumpiyansa ng publiko sa pamahalaan.
Ibinahagi rin ng Pangulo na isa sa mga pangunahing layunin ng kanyang administrasyon ay mapabuti ang pamumuhay ng karaniwang Pilipino mula sa sektor ng agrikultura, edukasyon, hanggang sa modernisasyon ng imprastruktura. Aniya, kung mararamdaman ng mamamayan na tunay na nagsisilbi ang gobyerno, doon babalik ang tiwala at suporta ng taumbayan.
Ang pahayag ni Pangulong Marcos ay nagsisilbing panibagong panata sa bayan isang pangakong ibabalik ang dignidad at tiwala ng publiko sa gobyerno. Sa panahon kung saan marami ang nagdududa sa sistema, mahalaga ang mga hakbang na magpapatunay na walang pinipili ang batas at walang itinatago ang katotohanan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento