Patuloy na umiinit ang usapin hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungeros, matapos ipag-utos ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ihanda ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga lokal na yunit ng pulisya sakaling ilabas na ang warrant of arrest laban sa mga pangunahing suspek.
“Handa na ang ating mga kapulisan na ipatupad ang anumang utos ng korte. Ang batas ay batas walang exempted, mayaman man o makapangyarihan, handa na kami dapat mag handa na rin sila” ayon kay Nartatez.
Kabilang sa mga kinasuhan ay ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at ang aktres na si Gretchen Barretto, na kapwa pinangalanan sa isinampang kaso kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungeros na huling nakita noong 2022.
Ayon sa ulat, inalerto na ang mga yunit ng pulisya sa buong bansa upang agad kumilos sa sandaling aprubahan ng korte ang mga warrant. Ipinahayag ni Gen. Nartatez na ang direktiba ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PNP na bigyang hustisya ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungeros, na hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng kasagutan.
Samantala, kapwa nababahala umano sina Atong Ang at Gretchen Barretto sa posibleng pag-aresto sa kanila. Ayon sa mga malalapit na source, nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang mga abogado upang ihanda ang legal na hakbang sakaling tuluyang ilabas ang warrant.
Ang kaso ng missing sabungeros ay isa sa mga pinakamatunog na krimen sa bansa nitong mga nagdaang taon, dahil sa dami ng mga biktimang sabungero na biglang nawala matapos umano’y maimbitahan sa mga online sabong operations. Hanggang sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang tukuyin ang tunay na motibo at kung sino ang nasa likod ng pagkawala ng mga ito.
Habang papalapit ang desisyon ng korte, tumitindi ang tensyon sa kaso ng missing sabungeros na hanggang ngayon ay patuloy na hinahanap ang katarungan. Ang paghahanda ng PNP at CIDG ay patunay ng determinasyong ipatupad ang batas nang walang pinapanigan.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento