Isang makasaysayang tagumpay ang naitala ng New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) sa pamumuno ni Ramon S. Ang, matapos nitong makapag-remit ng humigit-kumulang ₱57 bilyon sa pambansang pamahalaan sa loob lamang ng isang taon, isang malaking pagtalon kumpara sa nakaraang rekord ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Ayon kay Ang, ang ₱57 bilyong halagang ito ay mula sa kinita ng NAIA mula Setyembre 14, 2024 hanggang Oktubre 20, 2025, simula nang makuha ng NNIC ang operasyon ng paliparan sa pamamagitan ng isang Public-Private Partnership (PPP).
Sa isang inspeksyon kasama si Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, ibinahagi ni Ang ang dahilan sa likod ng tagumpay na ito disiplina, transparency, at tapat na pamamahala.
“Eighty-two percent ng kinikita dito ay napupunta sa gobyerno, hindi sa amin. Maliit lang ang bahagi namin, dahil mas mahalaga sa amin ang karanasan at maayos na serbisyo kaysa malaking tubo. Wala pa kaming nabibiling kahit isang upuan dito, pero ganito na kalaki ang aming naibalik sa gobyerno. Iyan ang pruweba na puwedeng magtagumpay ang proyekto kung may malasakit at integridad,” ani Ang.
Dagdag pa niya, hindi pa man nagsisimula ang malaking pagbabago sa imprastraktura ng NAIA, ay nakapagbigay na ito ng malaking ambag sa kaban ng bayan.
Ayon sa mga eksperto, ang tagumpay na ito ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang pribadong partisipasyon sa mga proyektong pampubliko, basta’t may tamang regulasyon, pananagutan, at malinaw na layunin. Marami ring netizens at ekonomista ang nagpahayag ng papuri kay Ramon Ang, na kilala hindi lang bilang negosyante, kundi bilang public servant-minded leader na inuuna ang kapakanan ng bayan bago ang sariling interes.
Ang ₱57 bilyong remittance ng NAIA sa gobyerno ay hindi lamang isang numero, ito ay patunay na kayang baguhin ng mahusay na pamumuno at malinaw na pananaw ang takbo ng bansa. Sa ilalim ni Ramon Ang, ipinakita ng NAIA na ang transparency at malasakit ay mas epektibo kaysa tradisyunal na pamumuno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento