Matapang na hamon ang binitiwan ng Malacañang laban kay Senator Alan Peter Cayetano matapos nitong manawagan ng isang nationwide snap election na sasaklaw sa lahat ng halal na opisyal ng pamahalaan — mula sa Pangulo hanggang sa mga miyembro ng Kongreso.
Ayon kay Malacañang Press Officer Usec. Claire Castro, kung talagang seryoso si Cayetano sa panawagan niyang ito upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan, dapat siyang manguna sa pagbibitiw sa puwesto bilang patunay ng kanyang sinseridad.
“Oh, then you start. Do it now. Mauna ka para maging model ka, talagang sakripisyo ka,” ani Castro, kasabay ng hamon sa senador na unahin ang kanyang sarili bago hilingin ito sa iba.
Kamakailan ay naging laman ng mga talakayan sa politika ang panawagan ni Cayetano para sa isang snap election kung saan lahat ng halal na opisyal ay magbibitiw upang muling ipagkatiwala sa taumbayan ang pagpili ng mga mamumuno sa bansa. Ayon sa senador, ito raw ang paraan upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno matapos ang serye ng mga kontrobersiya at isyu ng katiwalian.
Binibigyang-diin ng Palasyo na hindi sapat ang mga pahayag o panawagan kung hindi ito isinasabuhay. Ang pagbibitiw umano ni Cayetano ay magiging makapangyarihang simbolo ng kanyang sinseridad at maaring mag-udyok sa iba pang opisyal na sumunod.
“Kung gusto niya ng pagbabago, magsimula siya sa sarili niya. Mahirap hikayatin ang iba kung hindi mo kaya gawin mismo ang hinihingi mo sa kanila,” dagdag ni Castro.
Ang panawagan ni Senator Cayetano para sa isang nationwide snap election ay nagbukas ng mainit na diskusyon sa larangan ng politika. Ngunit ang hamon ng Malacañang ay malinaw: ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa sarili. Kung seryoso si Cayetano sa kanyang panawagan, dapat niyang ipakita ito sa pamamagitan ng pagbibitiw bilang unang hakbang patungo sa pagbabago na kanyang isinusulong.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento