Sa gitna ng pagdiriwang ng World Teachers’ Day, hindi napigilan ng Unkabogable Star na si Vice Ganda ang magpahayag ng kanyang hinaing para sa mga guro sa bansa. Sa isang matapang at emosyonal na pahayag, nanawagan si Vice sa Marcos administration na taasan ang sahod ng mga guro bilang pagkilala sa kanilang walang sawang serbisyo at sakripisyo para sa mga kabataan.
Ayon sa kanya, matagal nang panawagan ng sektor ng edukasyon ang karampatang kompensasyon para sa mga guro na siyang isa sa mga haligi ng lipunan, ngunit tila nananatiling bingi ang pamahalaan.
“Kailangang swelduhan ng mataas ang mga teacher. Kaya po mababa ang suweldo n’yo kasi ninakawan kayo,” ani Vice Ganda sa kanyang panawagan.
“Alam naming mga Pilipino na hirap na hirap na kayo kaya kailangan nating magawan ng paraan ang estado ng mga teachers ngayon,” dagdag pa ng TV host-comedian.
Binibigyang-diin ni Vice Ganda na ang mga guro ang pundasyon ng kaalaman at pag-asa ng bawat Pilipino, ngunit sila rin ang isa sa mga pinaka-napapabayaan pagdating sa sahod at benepisyo.
Para kay Vice Ganda, hindi lang ito usapin ng sahod kundi isang usapin ng hustisya at pagkilala sa serbisyo ng mga guro. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at gastusin, dapat lamang aniyang bigyan ng tamang kompensasyon ang mga nagtuturo sa susunod na henerasyon ng lider ng bansa.
Panahon na upang pakinggan ng pamahalaan ang mga hinaing ng sektor ng edukasyon. Ang pagtaas ng sahod ng mga guro ay hindi lamang pagkilala sa kanilang serbisyo, kundi isang investimento sa kinabukasan ng bansa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento