Isang kakaibang panawagan ang umani ng atensyon sa social media matapos maging viral ang video ni “Arnex”, isang flight attendant at negosyante, kung saan nananawagan siya sa mga mangkukulam at mambabarang na magkaisa laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno sa ilalim ng Marcos Administration.
Sa kanyang Facebook, pabirong sinabi ni Arnex na panahon na para kumilos ang mga mangkukulam at mambabarang laban sa mga “mandarambong, magnanakaw, at corrupt.”
“Ako po ay nananawagan sa lahat ng mangkukulam at mambabarang sa Pilipinas, kulang ang dasal, samahan natin ng kulam at barang” ani Arnex sa video.
“Magkaisa po tayo, makiisa po tayo. Patunayan naman po natin na totoo tayo. Natatalo na tayo ng mga mandarambong, magnanakaw, at mga corrupt. Kilos-kilos din po.”
Bagama’t marami ang natawa sa kakaibang mensahe, nilinaw ni Arnex sa comment section na hindi literal ang kanyang panawagan, kundi isang satirical protest laban sa patuloy na korapsyon sa bansa.
“On a serious note, ipagdasal natin ang ating bayan. Patuloy na lumaban, maki-isa at kalampagin ang gobyerno hangga’t may managot at maparusahan. Kailangan natin ng hustisya. We deserve better. God bless the Philippines.”
Ayon pa kay Arnex, ang mga ordinaryong mamamayan ay may kakayahang labanan ang katiwalian sa paraang makatao at makabayan, sa pamamagitan ng pagkakaisa, pagprotekta sa katotohanan, at pagsuporta sa mga lider na may malasakit sa bayan.
Ang panawagan ni Arnex ay patunay na ang humor at satire ay maaari ring maging sandata ng pagbabago. Sa gitna ng kawalan ng tiwala sa gobyerno, ginamit niya ang kakaibang paraan para ipahayag ang pagkadismaya at pagnanais ng mamamayan sa hustisya at katapatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento