Isang nakakatuwang eksena ang nag-viral sa social media matapos makunan ng video ang isang highschool student na pinapakain ang isang gutom na aso sa kanilang paaralan. Ang estudyante ay nakilalang si Emmanuel, isang 4th-year high school student na ipinamalas ang kabutihan at malasakit sa hayop sa gitna ng kanilang lunch break.
Ayon sa mga kaklase ni Emmanuel, habang sila ay kumakain, napansin ng binata ang isang aso na nakatitig sa mga estudyanteng kumakain, tila nagmamakaawa at gutom na gutom. Hindi nagdalawang-isip si Emmanuel, agad niyang tinawag ang aso at binigyan ito ng bahagi ng kanyang pagkain.
Ayon kay Emmanuel, nakilala niya ang aso na madalas umaligid sa kanilang paaralan at tinawag niya itong Blackie.
“Habang kumakain kami, nakita ko si Blackie na nakatitig lang, parang nanghihingi. Hindi ko kayang tiisin na makita siyang gutom, kaya agad kong binigyan ng pagkain,” ani Emmanuel.
Dagdag pa niya, malapit siya sa mga hayop dahil sa kanilang bahay ay mayroon silang tatlong alagang aso, kaya’t natural na sa kanya ang tumulong sa mga hayop na nangangailangan. Ibinahagi rin ni Emmanuel na plano niyang kupkupin si Blackie para mabigyan ito ng tirahan, pagkain, at pagmamahal.
“Gusto ko siyang alagaan para hindi na siya gutom at may matatawag siyang pamilya,” wika ng estudyante.
Agad namang bumuhos ang papuri at suporta mula sa mga netizen sa social media. Marami ang humanga sa kabutihan ni Emmanuel at tinawag siyang inspirasyon sa kabataan. Ang kwento ni Emmanuel at ni Blackie ay patunay na ang kabutihan ay walang pinipiling edad o pagkakataon.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento