Isang makabuluhang paalala ang ibinahagi ni Kara David, kilalang journalist at dokumentarista, hinggil sa tunay na sukatan ng halaga ng isang tao. Sa isang panayam, ibinahagi niya ang mga salitang tumimo sa puso ng marami:
“Hindi nasusukat sa yaman, sa katalinuhan, sa kasarian ang halaga ng isang tao, nasa puso yan.”
Ayon kay Kara, sa panahon ngayon kung saan tila pera, katanyagan, at posisyon ang batayan ng respeto sa lipunan, dapat nating alalahanin na ang kabutihan pa rin ang tunay na sukatan ng pagkatao.
Dagdag pa niya, sa dami ng nakikita niyang kwento sa mga dokumentaryong kanyang ginagawa mula sa mga maralitang pamilya hanggang sa mga ordinaryong manggagawa napagtanto niyang ang pinakamayaman ay hindi laging may pera, kundi may puso.
“Marami akong nakakausap na walang-wala sa buhay, pero may busilak na puso. Tinutulungan ang iba kahit sila mismo kapos. Doon ko nakita, hindi talaga sa yaman nasusukat ang halaga ng tao,” ani ni Kara.
Ang kanyang mga salita ay nagsilbing paalala sa mga kabataan at propesyonal na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng ari-arian o antas ng edukasyon, kundi sa kababaang-loob at pagmamahal sa kapwa.
Ang mensahe ni Kara David ay isa na namang inspirasyon para sa mga Pilipino. Sa panahon ng social media at kumpetisyon, kung saan madalas ay pansariling imahe at materyal na tagumpay ang inuuna, pinaaalala niya sa atin na ang pinakamahalagang kayamanan ay ang puso na marunong magmahal, umunawa, at tumulong.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento